Sa dulang R.I.P., maraming iba’t ibang aspekto ng dula ang ginamit ng gumawa ng dulang ito. Tulad ng pag gamit ng iba’t ibang kulay ng ilaw, musika, mga kanta na kinanta ng mga tauhan, at iba pa. Ngunit ang pinaka kapansin-pansin sa dulang ito ay ang pag gamit ng entablado bilang isang simbolo na may kinakatawan na kahulugan sa dula. Ang pag gamit ng entablado sa isang dula ay isa sa mga pinaka hindi napapansin na aspekto ng dula pero, ito’y may malaking importansya. Ang pag gamit ng entablado ay nagtatakda ng panagano ng manonood at ito’y mahalaga sa pagiging epektibo ng isang dula.
Napansin ko na ang ginamit na entablado sa dulang R.I.P ay kulay puti at hindi deretso. Ginamitan ng gumawa ng dulang ito ng “raked stage” kung saan mas mataas ang nasa likod na porsyon ng entablado kaysa sa nasa harap na porsyon ng entablado. At isa pa, ang entablado na ginamit ay hindi lang basta deretso. Ito’y may mga kanto sa iba’t ibang bahagi at bukod doon, ginamit ng mga gumawa ng dula ang entablado bilang isang nabubuksan na kabaong na sumisimbolo ng kamatayan ng komedya sa panahon na ito.
Ang pagiging kakaiba ng entabladong ito ay simbolo ng pagiging moderno. Parang sa istorya lang na sinusubukan ng mga tauhan na makipagsabayan sa panahon at kung sa ano ang uso upang kumita sila. Kailangan nilang baguhin ang kanilang estilo para sumabay sa panahon at para maging mabenta.
Pangalawa, ang pagiging kulay puti ng entablado ay sumisimbolo ng bagong umpisa. Para sa isang artista, ang puting papel ay parang isang bagong pagkakataon na gumuhit ng panibagong bagay. Sa dula, papalit palit sila ng estilo upang masabayan ang panahon. Sa pag palit nila ng estilo, kinakailangan nila ng panibagong umpisa, tulad ng isang malinis na papel para sa mga artista.